Mamamayang binaon sa limot

Sila na ang buhay ay karugtong ng lupa
Nagsumikap buhay ay mapaunlad
Kahit kinalimutan ng estadong
Siyang nararapat mangangalaga

Maraming beses na inalispusta
Sa lipunan itinatwa
Sila daw ay mangmang at walang alam
Kaya't lupain kinamkam
At buhay man kinitilan

Sila na ang buhay ay karugtong ng lupa
Pilit bumabangon
At namuhay ng payak at may dignidad
Kahit sa limot pilit binabaon

Sa loob ng kanilang mga kumunidad
Na ilang henerasyon 
Minana sa kanilang mga ninuno
Kultura, tradisyon, panininwala
At sariling pagpapasya ay nilagom

Subalit,

Sila na ang buhay ay karugtong ng lupa
Pilit hinihiwalay
Ng mga armado at militar
Maging ng mga batas na nagtatanggal
Sa kanilang pagkakakilanlan at karapatan
Sa kanilang lupaing ninuno.

Darating ang araw
Sila na ang buhay ay karugtong ng lupa
Ay babalikawas sa kinalugmukan
Kamao ay itaas
At lalaban
Sa mapang- api at mangangamkam.



* Ang tulang ito ay kabahagi sa "Anthology of Rage: Lumad, Poems and Stories", isang koleksyon ng mga tula at kwento alay sa mga Lumad ng Mindanao na nakakaranas ng militarisasyon sa loob ng kanilang mga lupaing ninuno.

Comments